Minsan kailangan mong subukan ang isang tao kung hanggang saan ka niya kayang tiisin, kung hanggang saan ka niya kayang intindihin, kung hanggang saan ka niya kayang mahalin. Hindi naman madali ang gawin 'yon. Mas mahirap pa nga siguro ang malaman mo na hindi ka niya kayang ipaglaban hanggang sa huli.
Gustuhin ko mang hindi na isulat ito, somehow kailangan kong mailabas ito sa dibdib ko. Ang hirap magpakatotoo minsan..lalo pa kung alam mo kung ano ang pwedeng masira dahil dito. Tinatanong ko ang sarili ko minsan..kung ako kaya, naging kagaya niya, kami pa kaya hanggang ngayon? Pwede, pwede ring hindi. Ang dami kong reklamo sa isip ko ngayon. Sa totoo lang nasasaktan naman ako eh. Kaya lang gusto ko siyang intindihin. Gusto ko siyang lumigaya sa mundo niya. Gusto ko rin maintindihan kung paano niya pinatatakbo ang pagsasama namin sa isip niya. Ang kaligayahan niya, kasama kaya ako dun? Kasama kaya ako sa mga plano niya? Kasama kaya ako sa mga pangarap niya? O ang lahat ng ito ba ay kailangan ko nang ipagparaya..?
Maraming beses na nga siguro akong naging ganito. Inisip ko na rin na may topak lang ako. Siguro nga, kailangan ko pang mahalin ang sarili ko. Pero hindi lang naman iyon eh.. nararamdaman ko.. limitado pa nga ang halaga ko para sa kanya. Kung mawawala ako sa kanya, hindi nga niya siguro ikakatakot iyon. Ganon ka-bukas ang isip niya sa mga bagay. At sa dami ng ginagawa niya sa buhay niya, minsan pakiramdam ko nakakalimutan niya ako. Sa dami ng taong nakakasalamuha niya sa buhay niya, saan kaya ang lugar ko dun? Ayoko mang makipag-agawan ng atensiyon, gusto ko sa lahat ng gagawin niya, dun siya masaya, at iyon ay gusto niyang talaga. At ang masakit lang.. ay nakikita ko na ang sagot sa mga tanong ko, umaasa pa rin ako.. nararamdaman ko nang hindi na mangyayari ang mga pangarap ko, eh nandito pa rin ako..
Sana lang..makahanap ako ng lakas. Yung sapat para hindi na ako masaktan kahit ano pang mangyari. Sana dumating yung araw na hindi na ako mahirapang tanggapin na lahat ng bagay ay may katapusan. Tanggapin na kahit pag-ibig ay may hangganan..
No comments:
Post a Comment